From Pen to Fingertips

Palayain ang Panitik, Hayaang Pumitik, kasabay ng indayog sa hangin :) (Reviews and other forms of Literature)


Leave a comment

“Agos”

Froe Roguis

 

“Ang dumi-dumi ko na,” hikbi niya habang mariin na kinukuskos ang sarili.

“Hindi na ako makikipaglaro sa kanila… kahit dalhin nila ulit ako sa bukid hinding-hindi na ako sasama… masasama silang bata… sabi nila aalalayan nila ako pero tinulak nila ako sa putikan… hm.. hmm.. masakit yung ginawa nila…aray… masakit pa rin… Ayoko na, ayoko na lumabas, ayoko na makipaglaro… hmmm..”

Hindi matanggal ang putik sa kanyang katawan. Mabilis ang sunod-sunod na agos nang biglang bumukas ang pinto.

“Naaay? Isara mo yung pinto! Bilis! Baka Makita nila ako! Bakit po ba?”

“Ano ka ba Nene? Bakit ka nagtatakip, pitong taon ka palang noh wala pang makikita sayo. Bilisan mo na maligo, pupunta tayo sa prisinto, nahuli na ang mga batang nagnakaw ng puri mo.”


4 Comments

“ROBOT”

FROE ROGUIS

Dahan-dahan kong hinaplos ang mga bago kong de-metal na laruan. Robot, espada, baril-barilan, beyblade, at mga sasakyang de remote control. Subalit ang pinakagusto ko sa mga ito ay ang Robot. Pwede mo itong utusan at ito’y susunod, pakilusin kung kailan mo gusto, kayang magbuhat ng mabigat at higit sa lahat nag-iiba ang porma nito. Nagiging kotse ito, nagiging korteng aso, depende kung anong anggulo mo gusto. Pinakamahal ito sa lahat ng padala sa akin ni daddy, dahil ito daw ang pinaka-latest na robot ng The Transformers, na hindi pa dumadating sa Pilipinas kaya ako palang talaga ang may ganitong laruan. Mariin ang pagkakaukit ng mga letrang MADE IN SAUDI ARABIA.

 

“Oh ano Kiko, nagustuhan mo ba ang mga padala kong laruan?” sabi ng boses sa telepono.

“Opo daddy.”

 

Kailangan ko na ng bagong kahon at malaking aparador dahil umaapaw na ang mga laruan at damit ko. Sobra-sobra ang pinapadala ni daddy. Mabuti nalang talaga agad siyang natanggap sa ibang bansa. Mabuti nalang OFW ang daddy ko, dahil sa ganoong paraan, natutugunan niya ang pangangailagan ng aming pamilya, na higit pa sa aming kailangan.

Naiibsan naman ang pangungulila ko sa aking daddy sa tulong ng makabagong teknolohiya tulad ng cell phone at internet, araw-araw ko siyang nakakausap.

 

Iyon ay noong unang tatlong taon taon ng aking daddy sa Saudi.

Subalit sa ikaapat at ikalimang taon niya doon, tila bihirang-bihira na siyang tumawag at isang beses sa tatlong buwan nalang siya nakapagpapadala.

Anim na buwan pa ang lumipas bago ulit namin nakausap ang daddy sa telepono.

 

“Kamusta kayo dyan mga anak? Anong ulam niyo?”

“Kare-kare po! Ikaw dad kumain ka na ba? anong ulam mo?”

“Gulay, pechay,” sagot ni daddy.

“Pechay nanaman? Bakit hindi karne dad?”

“Masustansya din naman ang gulay anak. Minsan kumakain din naman kami ng nilagang baka,”

“Kailan po kayo uuwi? Akala ko nung nakaraang taon pa ang iskedyul nyo ng pagbabalik-bayan?”

“Na-extend kasi ang trabaho ko anak e,”

 “Dad, bakit parang ang hina ng boses niyo? Maysakit po ba kayo?”

“Ah wala anak, paalam na, kailangan ko nang ibaba ang telepono, tinatawag na ako ng boss ko.”

Nagmamadaling ibinaba ni Daddy ang telepono.

 

Mag-aalasingko-imedya na ng hapon, napadaan kami ng aking kaibigan sa Intramuros, sa tapat ng Department of Labor and Employment. May halos isangdaan na manggagawa ang nananawagan ng tulong sa mga opisyal.

 

“Anong kaguluhan ito?” binasa ko ang mga placards na kanilang winawagayway.

“KATAS NG SAUDI, IBASURA!”

“MANPOWER, BRING THEM HOME!”

Nilapitan ng kaibigan ko ang isang balik-bayan na sumisigaw, at tinanong.

“Manong, ano pong nangyayari?”

Tumugon ang manong, “Nananawagan kami sa pamahalaan na tulungan pauwiin  ang mga kasamahan naming manggagawa sa Saudi. Wala na silang trabaho doon pero hindi pa rin makauwi dahil hindi binabayaran ng kanilang Arabong employer ang halagang katumbas upang makauwi na ang mga empleyado.”

 

Buti nalang may trabaho pa ang daddy ko, sa isip-isip ko.

 

“Ang agency na namin ang gumawa ng paraan para makauwi kami, dahil kung hihintayin namin ang pagkilos ng ating pamahalaan, aabutin nalang kami ng pagkamatay doon. Napakabagal kumilos ng ating gobyerno, tuloy-tuloy ang pagpapadala nila ng lakas-paggawa sa Saudi samantalang halos 50% pa ang mga OFW ang dalawang taon nang di nakakauwi at walang trabaho.” Dagdag pa ng mamang nakapanayam.

 

“Maaari nyo po bang isalaysay sa amin ang inyong mga karanasan sa Saudi?” tanong pa ng aking kaibigan.

 

“Namumulot kami sa palengke ng mga gulay…” Tugon niya.

 

Ah, buti nalang, ang daddy ko hindi namumulot, bumibili siya ng pechay, at nakakakain ng nilagang baka, sa isip-isip ko ulit.

 

“Pechay ang pinupulot namin, ‘yun lang ang nagkalat sa palengke, kahit bulok na pinipili nalang namin yung tangkay, pwede pang pagtiyagaan kainin, ang iba’y mahal na ang presyo. Wala na kaming pera kaya din a namin kaya bumili. Minsan nakakakain kami ng nilagang baka kapag dumadalaw sa amin ang nagboluntaryong Pilipinong nurse. Nakalagay sa itim na plastic ang pinagsama-samang pagkain. Kahit tira-tira sa ospital ang mga nilagang baka na iyon, ang mahalaga nalalamanan ang aming sikmura.. Tuwing madaling araw namin inaabangan ang pagdating ng nurse, dahil pinagbabawal ang pagtulong na ginagawa niya, tinatakas lang kasi niya sa ospital ang mga binibigay sa amin. Naiiyak nga ako sa tuwing maaalala ko yun, nag-aagawan talaga kami sa pagkain dahil gutom na gutom,” dagdag pa ng manong. “Nang isinalaysay naming ang kalagayan namin sa agency naming yung nangayari sa amin doon, nagalit ang agency naming dahil nagpapadala pala sila ng food allowance para sa aming OFW, saan napunta ang budget na ‘yon!”

 

Ah, hindi. Nakapagpapadala pa sa amin ng pera ang daddy ko, kaya sigurado ako hindi siya kasama sa mga nawalan ng trabaho,  paninigurado ko sa aking sarili.

 

“Kinulong pa nga kami ng aming mga amo sa isang compound at bantay-sarado iyon ng mga gwardiya. Bawal kami lumabas dahil pag nahuli, siguradong ikukulong. May malit na butas sa pader, tuwing madaling araw, salitan ang pagtakas namin at dumidiskarte ng trabaho. Nagkakargador kami sa palengke, naglilinis ng sapatos at kung anu-ano pang diskarte para makapagpadala kami sa aming pamilya sa Pilipinas. At sa pagbalik namin sa compound, dapat may dala kaming bigas upang may makain ang mga naiwan sa loob. Nung nakaraang buwan nga, may isa kaming kasamahan na nahuling tumakas para makatawag sa pamilya niya, ayun binaril siya ng gwardiya, napagkamalang magnanakaw, hindi ko alam kung alam na ng pamilya niya ang nangyari sa kanya,” Patuloy niya.

 

Nakakatawag pa sa amin ang daddy ko kaya sigurado ako hindi siya isa sa mga kinukulong.

 

“Kapag nakatakas kami, sumasaglit kami ng tawag sa pamilya namin sa Pilipinas, pero dapat mabilis lang dahil baka may makakita sa amin. Expired na kasi ang aming lisensya kaya bawal nang gumala, kaya nga nagmamadali na rin kaming makauwi sa Pilipinas para hindi kami tago ng tago.”

Wala namang binabangit sa amin na ganitong isyu ang aking daddy, wala kaming nababalitaan ganito. Muli kong kinumbinsi ang sarili ko na hindi talaga kabilang ang daddy ko sa mga na-stranded sa abroad.

 

“Ang problema pa sa mga mamamahayag sa Saudi, hindi nila binabalita sa telebisyon ang kasalukuyang isyung ito. Pinipigilan sila ng kanilang pamahalaan na ilahad ang katotohanan, gusto kasi nilang mapanatiling malinis ang kanilang reputasyon, subalit ang totoo’y wala silang habas mang-alipusta sa mga Filipino. May mga bantay pang Arabo sa Telephone Booth. Kaya naman, hindi tuloy nababalitaan ng mga kaanak naming sa Pilipinas ang mga nangyayari sa amin doon. Marami pa kaming kasamahan ang naiwan sa Saudi. Patuloy silang nagugutom, nagkakasakit at hindi pinapakinggan. Kaya naman kaming mga nakauwi na ay gumagawa ng hakbang upang mapauwi sila.” Ngarag na ang boses ng manong.

“Nang pinalabas na kami sa compound, doon na nagsimula ang paglalakbay namin hanggang sa marating ang OWWA. Tuwing madaling araw kami naglalakad dahil nakakasunog ng balat ang init. Nang marating na naming ang kagawaran, sinugod kami ng mga pulis sa pag-aakalang gagawa kami ng karahasan. Pinukpok kami ng baril, kinaladkad, at pinaputukan. Nakuhaan ng video ang pangyayaring iyon, kaya nagkaroon na sana kami ng ebidensya para ireklamo sila, subalit sinabi ng Saudi Arabia Embassy na hindi nila pipirmahan ang aming papeles  kapag hindi naming binura ang video at — ”

 

Hindi ko na tinapos ang sinasabi ng balik-bayang ito. Kasing-bilis ng paglubog ng araw ang pagkaripas ko ng takbo pauwi sa aming bahay. Kasing-ingay ng busina ng mga sasakyan ang mga tanong na nanahan sa aking tenga, at paikot-ikot sa aking isipan.

 

Ang daddy ko, kailan siya uuwi? Bakt hindi namin nalaman ang tunay na kalagayan niya sa Saudi? Hindi pala pinupulot ang perang pinapadala niya sa amin.. Akala ko isang karangalan sa pamilyang Pilipino ang magkaroon ng kaanak na OFW, pero parusa pala… Akala ko ba bayani silang tinuturing ng ating pamahalaan? Bakit hindi sila matulungan? Kailan kaya siya ulit tatawag? Noong nakaraang buwan pa siya huling tumawag ah..

 

Nakalimutan kong kailangan pa palang mag-jeep mula sa Intamuros hanggang sa bahay namin sa Carriedo, halos di kasi umuusad ang mga sasakyan noon kaya tinamad na rin akong mag-jeep. Kasing-bigat ng trapiko ang aking kalooban. Tumakbo ako nang tumakbo sa pag-aakalang sa pamamagitan nito matatakasan ko ang realidad.

 

Dali-dali kong hinanap sa aparador ang Robot na pinadala sa akin ni Daddy noong nakaraang taon, gawa ito sa metal.

Hoy Robot, pumunta ka nga sa Saudi, sunduin mo ang daddy ko! Inuutusan kita Robot, sumunod ka! Kaya mo lahat diba? Kaya mong maging kotse, kaya mong maging aso, kaya mong….

Biglang umagos ang luha ko..

Alam mo, Robot, para ka palang daddy ko, kayang-kaya ang lahat makapag-padala lang sa amin. Kaya magkargador, kaya maglinis ng sapatos, kaya mamulot sa palengke, kahit Inhinyero talaga ang inaplayan niya sa Saudi. Naging katulad mo ang daddy ko na limitado lang sa utos ng boss ang pwedeng gawin, tinali rin sila ng batas, at higit sa lahat, tulad mo, hindi rin siya nabigyan ng kalayaan makapagpahayag ng damdamin… Robot, napapagod ka na ba sa mga utos ko? Patawarin mo ako, kung naging among Arabo ako sa’yo, malupit at walang konsensiya.

Niyakap ko ang robot, sa ganung paraan para ko na ring niyakap ang aking daddy.

 

Pumasok si Mommy sa aking kwarto at siya’y humahangos ng iyak.

“Mommy, bakit? Anong teleserye nanaman ang nakapagpaiyak sa iyo?” tanong ko.

 

“Anak, binalita sa telebisyon yung mga nagra-rally na OFW sa DOLE… pinahayag nila ang mga karanasan sa Saudi, yung mga hindi pa makauwi..”

 

“Kasama si dad sa mga hindi pa makauwi?”

 

“Kasama ang daddy mo sa hindi na makakauwi, anak. Kasama ang pangalan ng daddy mo sa mga namatay…”

 

Parang bilang nagsarado ang pandinig ko nang marinig ko si mommy. Anong kinamatay ni daddy? Sakit ba? Dahil sa sobrang init? Gutom ba? Virus dahil mga tira-tira ang kinakain nila? Gusto kong malaman pero tila binusalan rin ang aking bibig.

 

“Binaril siya ng gwardiya anak, habang tumatawag sa telepono.”

 

Kasabay ng mabilis na pag-agos ng luha ang pagsabog ang damdamin ko, kasing-lakas ng sigawan ng mga OFW na naghahangad ng katarungan sa tapat ng DOLE. Kung alam ko lang na iyon na ang huli naming pag-uusap, sana kinuwento ko na sa kanya lahat ng tagumpay ko sa buhay na hindi niya nasaksihan dahil nasa malayo siya.

Bayani ang daddy ko, pero sarili niyang bayan ang nagtulak sa kanya sa kapahamakan. Akala ko ba gusto ng Pilipinas nang matibay na lipunan? Kung gayon bakit hinahayaan ng ating pamahalaan na magkawatak-watak ang pamilyang Pilipino?

 

Muli kong niyakap ang robot at ngayon ko nadama na sana si Daddy nalang ang yakap-yakap ko.

`               November 1, 2012 Genre: Maikling kwento Bilang ng salita: 1,731 unang burador


1 Comment

“Si Rizal, ng ika-19 Siglo at Kontemporanyong Panahon”

Philippine Normal University

Taft Ave., Manila

 

-JOE Review-

 

“Si Rizal, ng ika-19 Siglo at Kontemporanyong Panahon”

 

Freobel Mae A. Roguis

II-2 AB/BSE Literature

Professor Genaro R. Gojo Cruz

 

Henerasyon ngayon ng bagong Pilipinas. Bukod sa simpleng eksena ng guro’t mga estudyante sa loob ng silid-aralan, iba’t ibang malikhaing pamamaraan din ang isinasagawa ng mga kagawaran upang mas madaling maiparating sa mga mag-aaral ang indayog ng edukasyon. May pagtatanghal sa teatro, may paglalathala ng lumalawak na panitikan, at patuloy pang pananaliksik ng mga Historyador. Subalit sa ating pagbabalik-tanaw sa nakaraan, ano nga ba ang impormasyong pilit nating hinahatid sa kasalukuyan? Katotohanan nga ban g kasaysayan, o kagandahan lamang ng sining dahil tayo ay may pinoprotektahan? Pinipili lamang ba ang mga detalyeng isinasa-publiko upang manatiling malinis an gating pagkakakilanlan? Ilan nalang kaya sa mga Pilipino ang handang manindigan?

 

Magiting na pambansang bayani, dakilang manunulat, mahusay na doktor, manlalakbay, at pinagpala sa antas sa lipunan. Mahusay sa iskultura pati pagpinta, pagkabigo’y ginawang inspirasyon, luminya sa mga manunulat ng Penguin Classics, at tinaguriang ‘Renaissance man’ ng Pilipinas. Ganyan ko nakilala si Jose Protacio Rizal Mercado Alonzo Y Realonda, ang taong sumisid noong bumaha ng talento! Minsan pa nga siyang sinamba ng mga taga-Laguna dahil sa pag-aakalang siya ang reinkarnasyon ng Kristo.

Bilang isang nagpapakadalubhasa sa larangan ng Panitikan at nagmamahal sa kapayapaan, hinahangaan ko rin naman ang matalim na pluma ni Rizal na gumuhit at naging ilaw sa madilim na kasaysayan ng Pilipinas. Iba-iba ang pananaw ng mga Pilipino. May pabor sa paggamit ng panulat bilang epektibong sandata, ay mayron naming duda. Gayunpaman, naniniwala akong karapat-dapat pa rin siyang tanghaling bayani. Wala mang labis, ang mahalaga walang kulang.

 

Tagumpay ang pagtatanhal ng “Joe, The Filipino Rocksikal”. Ang  isang pangkat ng Jose Rizal School ay naatasang magsiganap sa natatanging pagtatanghal ng buhay ni Rizal, hanggang sa naging propesyunal na sila ay nadala nila ang ganitong talento. Maraming taon ang lumipas at nahanap nila ang isa’t isa para sa muling pagtatanghal ng buhay ni Rizal. Nariyan si Joeann na isa ng Historian, si Joecas na mahusay at kilalang director sa kanyang panahon, si Hunter na namundok sa kanyang pakikipaglaban sa mga prinsipyo, si Bimbo na dating bullied pero ngayon ay kilabot na ng chiks, at si Ambo na may-ari na ng salon. Nanindigan rin si Joecas na ipakita sa entablado ang mga issue tungkol kay Rizal na hindi masyadong tinatalakay ng mga guro sa paaralan. Sinakripisyo niya ang kanyang pag-ibig alang-alang sa paninindigan na hindi lamang sining ang ipakita sa publiko kundi ang katotohanan sa mga sinaliksik na detalye. Gayundin naman si Joeann, na sinakripisyo rin ang pag-ibig alang-alang sa kanyang propesyon, at paninindigan sa kanyang pananaw bilang educator at mananaliksik. Pareho silang Joe ng kanilang panahon.

 

Ang estruktura ng dulang ito ay “satirical”. Ang istilong Satirical ay nangangahulugan ng nakakatawa ang dating ng kwento subalit may isyung tinatalakay. Dinekonstrak dito ang karakter ni Rizal at ng iba pang tauhan. Bakla ang gumanap kay Rizal, sapagkat may mga pagdududang bakla siya dahil hindi siya kinasal. Isang kabalintunaan sa iba pang mga salisik na kilabot siya ng chiks. Ang actor din na ito ay gumanap bilang insekto sa ibang mga pagtatanghal, at sa unang pagkakataon gaganap na siya bilang tao. Maaaring nangangahulugan ito na hindi ganoon ang pagtingin nila sa pambansang bayani dahil sa pagpili pa lamang ng gaganap ay di sila nagging metikuloso. Sa karakter naman ng tatlong babaeng kapatid ni Rizal ay may “foil”. Magaslaw sila kumilos at di nila napanindigan ang sout na “saya” na sumisimbolo pa man din sa kahinhinan. Gayundin ang pinakita nilang pagmamaldita ni Melchora Alonzo kay Josephine Bracken dahil nga sa pagtutol sa pag-iibigan nila ni Rizal. Mabait at maunawain ang pagkaka-portray kay Melchora Alonzo sa mga paaralang elementarya kaya naman nagulat ako nang Makita ko ang ibang anggulo ng kanyang pagkatao. Pero sa bagay, hindi anman imposible na ganito ang maging reaksyon ng isang ina. Dinekonstrak din si Josephine Bracken, na baka siya’y isang bayarang babae na pati si Crisanto ay nilandi. Kawawa naman si Crisanto, lagi nalang siyang hinahabol ng mga babae, di naman makatakbo. XD

 

May mga pinakita ding eksena sa entablado na nakarekord pala sa kasaysayan ngunit ngayon ko lang nalaman. Halimbawa nito ay ang pagtrato kay Bracken ng kanyang ama, na incest pala. Nagkaanak sila ni Rizal pero namatay. Tapos dirin payag ang pamilya ni Rizal sa kanilang relasyon, at hindi pinahintulutan ng batas ang kanilang pagsasama. Minsan siguro ganun talaga kapag tinadhana kang maging bayani, sadyang walang espasyo angdugong banyaga sa buhay ng totoong makabayan. Nakakaawa naman pala si Bracken, pero mas nakakaawa ang Pilipinas kung tinalikuran tayo ni Rizal.

 

Bagamat hindi ako kabilang sa mundo ng mga nagtatanghal, may mga nalaman akong katotohanan sa kanilang trabaho sa likod ng pinilakang tabing. Kapag may ni-portrait na karakter ang actor sa entablado, halimbaa pagiging makabayan, hanggang sa punto lang na iyon niya dala ang birtud. Sa kanilang pagtatanghal, inaawit nila ang “Buhay si Rizal”, subalit kapag wala na ang mga ilaw, kapag wala nang mga matang nakamasid, hindi naman nila isinasabuhay si Rizal. Ito ay ayon sa nais nilang iparating, at hindi lang naman tulad nila ang gumagawa nito. Marami, tulad rin ng mga historian, manunulat, at guro, na itinuturo nila sa mga estudyante si Rizal at dapat tayong maging makabayan subalit sila mismo ay hindi napapanindigan ang pagiging Rizal. Hidni ko nilalahat ah, pero ito ang totoo sa karamihan sa ating lipunan. May mga panahon din pala na nagdadagdag ng additional characters (tulad ni Crisanto) or scene sa pagtatanghal upang di maboring ang mga manonood. Subalit kapag nasobrahan ang ganitong sistema, baka maging fictional nalang din ang ating kasaysayan.

 

May mga nilabag din sa pagtatanghal, may mga eksenang Rated SPG. Ang paggamit ng mga sensual na eksena upang mahimok ang taensyon ng mga manonood, kahit hindi naman ito masyadong kailangan sa kwento, at uapang mapalawak ang “sining”, ang makalaman na sining.  Ang paghuhubad ni Bimbo, ang pagpapakita niya ng sexy na katawan, ang pagsayaw ng mga lalaki (yung senaryong bayaran daw si J. Bracken) na naka-underwear lang, ang paglandi ng ate ni Rizal sa direktor, lalung-lalu na ‘yung nakasabit ang kwintas na krus malapit sa pribadong sector ni Joecas. Ang pagmumura, ang paulit-ulit na pagmumura na bagamat kasama sa konsepto ng realismo, ay nalabag pa rin nito ang moral lalu pa’t karamihan sa mga manonood ay menor de edad.

 

“To educate”.. ‘yan daw ang goal ng mga Educational Theater plays… subalit sa ganitong uri ng pagtatanghal, hidni lang edukasyon ang nauwi ng kabataan, libre na yung lust na nakintal sa kanilang mata, tenga at isip. Pero sa bagay, kung ipapakita sa tanghalan ang purong kasaysayan, purong estado ng lipunan, kaunting kagandahang-asal lang naman ang makukuha natin o halos wala na talaga. Dahil ang totoo, laganap pa rin ang epidemyang kanser ng lipunan. May punto sila, kung puro mabubuting bahagi lamang ang ipapakita nila, sining ito, hindi kasaysayan. Kaya naman ayos na rin, wala tayong magagawa, eto na ang mundo, ang maruming mundo.

 

            Ang ganda nga ng sinabi ni Josephine Bracken na hindi raw niya maintindihan ang ating bayan. Huwag siyang mag-alala, hindi siya nag-iisa. Maraming Pilipino ang hindi rin maintindihan ang Pilipinas, ang sarili nilang Pilipinas, kaya naman lalong gumugulo ang bansa. Tulad ko, tikom ang bibig kong pumuna sa paligid ngunit nang mapanood ko ang Joe, nagambala ang payapa kong pananaw. Oo nga noh, dapat simula ngayon alam natin kung ano ang prioridad at kung ano ang isasakripisyo. Dapat matuto tayong manindigan, dahil wala ng iba pang magmamahal sa Perlas ng Silangan kundi tayong mamamayan nito. Kailangan natin ng tunay ng Pilipino, ng tapat na Pilipino, at ng bagong Pilipino, na kakalas sa maling tradisyon, at magpapatuloy sa papaunlad na transisyon. Maaaring maraming Rizal sa ating bayan subalit sana marami pa ang magpaka-Rizal talaga, yung handing manindigan para sa bayan hanggang kamatayan.

 

            Maraming propesyon ang naparangalan sa Joe, The Pinoy Rocksikal, tulad ng mga mananaliksik, guro, manunulat at nagtatanghal sa entablado. Mga kapwa alagad ng sining, na hinihimok ang bawat isa na maging alagad din tayo ng kasaysayan, ng bayan at ng katotohahanan. Ipagpatuloy natin ang pagpapalaganap sa realidad ng nakaraan ng Pilipinas, at ang pinakamahalaga, ay ang maging Joe tayo ng ating panahon.

 

Sulit ang halos tatlong oras naming pagnganga habang hinihintay malutas ang problemang teknikal. Totoong bumawi sa napakahusay na pagtatanghal at paghatid ng napakagandang mensahe ang nasabing play. Sana nga pweden i-video para pwede kong paulit-ulit panoorin. Pag-uwi ko nga sa bahay ay kinuwento ko agad sa pamilya ko yung mga pinanood ko, subalit sila ang hiningal sa emosyonal kong pagdedetalye. Inirerekomenda ko itong panoorin ng lahat ng mamamayang kabilang sa tatsulok. Magmula sa magsasaka, manggagawa, peti-burges, pambansang burgesya, o kahit kabilang ka pa sa naghaharing-uri ng lipunan, kailangan aral mo ang iyong kasaysayan. Sana makaabot sa inyong panahon ang natatanging Filipino Rocksikal na Joe, na may napakagandang estruktura, banghay, setting, at transisyon na ibinalik tayo sa ika-19 siglo patungo sa kontemporanyong panahon.


Leave a comment

“BAKIT NGA BA HINDI TAYO NAGKASABAY NG PANAHON?”

September 17, 2012
11pm to 2am (kasama na ang pakikipag-text habang nagsusulat)
Genre: Sanaysay? o Maikling Kwento? Nobela ito. XD

PAGOD NA PAGOD na akong masaktan.

Kung gaano ako kasaya noong nakaraang Biyernes, kung gaano nag-high tide sa sobrang kilig, kung gaano nakarating ng outer space ang aking mga ngiti….

Bawing-bawi naman ngayon ang lahat. Tila nagdilim ang langit at nagngalit ang kidlat sa bawal na pag-ibig. Biyak na biyak ang puso ko. Daig pa ang paghihiwalay ng pitong kontinente ng daigdig.

Gustong-gusto ko mag-facebook. xXD

Dalawang beses na ako nasaktan sa pag-ibig sa murang edad, at ngayon na yata ang pinakamatindi.
Sinabi ko sa sarili ko na pahinga muna ako sa mga panandaliang tibok ng bata pang puso.

Subalit tila nagbago ang lahat nang pumasok siya sa loob ng malamig, maliwanag, at mapayapa naming apat na sulok ng silid-aralan.

Hindi ko siya napansin noong una dahil hindi naman siya masyadong tipong JM De Guzman o Mario Maurer. Hindi talaga. Hinding-hindi dahil ibang-iba siya sa lahat ng nakilala ko.

Unique siya, mula sa pangalan, hanggag sa kaniyang mga pinagdaanan.

Nakilala ko siya sa personal, subalit naintindihan ko siya ayon sa mga nabasa kong kontrobersyal niyang mga lathalain. Siya yung tipo ng taong hindi ka makakapaniwalang nag-eexist.

Hindi ko na iisa-isahin pa ang mga katangian niyang napahanga ako, dahil baka ma-flattered siya pag nalaman niyang siya ang tinutukoy ko dito sakaling mabasa niya ito. (Sana nga mabasa niya ito)

Unique siya, mula sa pangalan, hanggang sa kung gaano na kalayo ang narating niya.

Batikan siyang manunulat, at mahusay rin naman magturo. Kahit pa paminsan-minsa’y confused kami kung ano ba talaga ang subject namin sa kanya.

Alam kong hindi ko siya orihinal na pagmamay-ari.
Hindi ko alam kung bakit isang araw napansin kong malakas pala ang dating niya. Maangas ang tindig, at ibang-iba ang mga ngiti. Misteryoso ang kaniyang pananahimik, at biyaya ang kanyang mga saliksik.

Malayo na ang kaniyang narating. Malayo pa sa biyaheng Taft Avenue To Quezon City Fairview.
Ang kaniyang samyo’y tila walang bakas ng nakaraan. Ang labanos na kutis niya ay hindi mo sukat aakalaing ganoon kakulay ang kaniyang buhay.

Patuloy ko siyang nakikilala sa malawak na mundo ng fingertips, subalit pilit kong nais siyang mas makilala pa sa personal.

Nang gabing iyon, sa ilalim ng banaag na munting ilaw, napansin kong ngumingiti rin pala ang kaniyang mga mata. Nadiskubre kong sa likod pala ng malamlam na ngiti ng kaniyang paningin, nagkukubli ang malalim na balon kung saan siya humuhugot ng lakas upang piliting mabuhay araw-araw. Noon ko lang siya nakitang mas ibang-iba.

Gusto kong isiping ako sana ang nasa likod ng mga ngiti na ‘yon…. Na, ako sana ang dahilan kung bakit siya napaisip sa marahan niyang pagtitig… Ako sana…. Ako sana…. Hehe. Joke lang.

Sana nga napaisip siya. Sana naisip niya,
“May ganito palang klase ng batang babae na kakaiba umibig… Bakit hindi kita nakilala noon? Noong pwede pa ang lahat… Noong hindi pa komplikado ang sitwasyon.. Noong meron pang pagkakataon….”

BAKIT NGA BA HINDI TAYO NAGKASABAY NG PANAHON?

Hindi ko alam. Ayoko nang magtanong. Sino naman ang sasagot?

O kaya, baka naman ang totoo, sa mga ngiting iyon ay nag-function lang ang kaniyan isipan na sumasaklaw sa malawak na mundo ng panitikan.

Unique siya, mula sa pangalan, hanggang sa paninindigan.

Nakakabilib talaga ang kaniyang kakayahan, ang kaniyang determinasyon at kaniyang mga ideolohiyang isinalin sa papel at inilabas sa kahon.

Naniniwala akong kayang-kaya niyang bumuhay ng isang henerasyon. At kung kaya niya ito, alam kong mas lalung kayang-kaya niyang bumuhay ng pinakamalit na social unit ng lipunan. Sana maniwala rin siyang kaya niya ito.

Subalit isang araw, tila nga nagbanggaan nanaman ang mga tectonic plates ng aking mundo. Hindi ko alam kung mahahati nanaman sa dobleng bilang ang mga kontinente o mabubuo na muli ang Pangea.

Habang binabasa ko ang kaniyang pinaskil sa pader, ang kaniyang inilimbag na pampublikong impormasyon, gusto kong durugin ang bawat letrang pinagtuunan niyang pagdugtung-dugtungin,
at gusto kong tunawin ang bawat istruktura ng pangungusap na pinaghirapan niyang buuin.

Feeling ko nga, ako si Sabina, sa mga ganitong linya:

“Sabina, we CAN’T be MARRIED.”

Tapos sasagot ako ng buong emosyon.
“whaaat?! You don’t mean what you’re sayin’! .. So, what Antero said is true then? Some‘thing’ else is between us..!… You’ve cheated me! Youuu’ve lied to me..!”

Tapos, papasok sa eksena ang aking BEST friend na nagmula pa sa The Husband of Mrs. Cruz,
“I told you….I told you so..!”

Oh diba..? STA Major pala.

Eto pa. Feeling ko rin, ako si Josephine Bracken na pinagpalit para sa paninindigan. Anyway, wala naman akong reklamo dun. Wala pa ‘yan ha, sa lagay na ‘yan?

Subalit hindi man ako makapayag, alam kong wala naman akong karapatang tumanggi. Dahil paminsan-minsan, akalain mong biyaya rin pala ang ulan at may pakinabang rin ang anumang pangyayari sa ecosystem.

In short, gusto ko lang naman buuin ang mga letrang
[ eyts, ey, bi, ey, em, bi, yu, eyts, ey, way ] , at
idugtong ito sa puso naming dalawa.
Bwahaha!
Napakasagana ko naman pala sa delusional disorder na ‘erotromania’. Wahaha!

Hindi ko siya masisisi kung parang lagi nalang siyang nakatitig sa salamin. Maaaring alam ko kung bakit, gayunpaman, hindi pa rin sapat na batayan ang naiguhit ng pluma upang magkaroon na tayo ng karapatang manghusga.

Unique siya, mula sa pangalan, ngunit may kapareho siya ng kalikasan.
Ibang-iba siya sa lahat ng nakilala ko. Dahil siya lang ang alam kong kahit kalian, hinding-hindi ko makukuha.

Dalawang beses na akong nasaktan sa pag-ibig sa murang edad, at ngayon na yata ang pinakamatindi.
Pinakamasakit dahil pinilit kong paasahin ang sarili ko sa false hope.

PAGOD NA PAGOD na akong masaktan. Kaya sa susunod, mag-iingat na ako sa mga bagay na alam kong sa umpisa pa lang, imposible ko nang mahagkan.

— The End.

P.S.
Sasapakin ko ang sinomang mag-comment ng direct name dito. wahahaha So, ano na nga sa tingin niyo, Sanaysay ba? o Maikling kwento? Sabi ni BEST friend, Nobela ito.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 733 other followers