From Pen to Fingertips

Palayain ang Panitik, Hayaang Pumitik, kasabay ng indayog sa hangin :) (Reviews and other forms of Literature)

“Si Rizal, ng ika-19 Siglo at Kontemporanyong Panahon”

1 Comment

Philippine Normal University

Taft Ave., Manila

 

-JOE Review-

 

“Si Rizal, ng ika-19 Siglo at Kontemporanyong Panahon”

 

Freobel Mae A. Roguis

II-2 AB/BSE Literature

Professor Genaro R. Gojo Cruz

 

Henerasyon ngayon ng bagong Pilipinas. Bukod sa simpleng eksena ng guro’t mga estudyante sa loob ng silid-aralan, iba’t ibang malikhaing pamamaraan din ang isinasagawa ng mga kagawaran upang mas madaling maiparating sa mga mag-aaral ang indayog ng edukasyon. May pagtatanghal sa teatro, may paglalathala ng lumalawak na panitikan, at patuloy pang pananaliksik ng mga Historyador. Subalit sa ating pagbabalik-tanaw sa nakaraan, ano nga ba ang impormasyong pilit nating hinahatid sa kasalukuyan? Katotohanan nga ban g kasaysayan, o kagandahan lamang ng sining dahil tayo ay may pinoprotektahan? Pinipili lamang ba ang mga detalyeng isinasa-publiko upang manatiling malinis an gating pagkakakilanlan? Ilan nalang kaya sa mga Pilipino ang handang manindigan?

 

Magiting na pambansang bayani, dakilang manunulat, mahusay na doktor, manlalakbay, at pinagpala sa antas sa lipunan. Mahusay sa iskultura pati pagpinta, pagkabigo’y ginawang inspirasyon, luminya sa mga manunulat ng Penguin Classics, at tinaguriang ‘Renaissance man’ ng Pilipinas. Ganyan ko nakilala si Jose Protacio Rizal Mercado Alonzo Y Realonda, ang taong sumisid noong bumaha ng talento! Minsan pa nga siyang sinamba ng mga taga-Laguna dahil sa pag-aakalang siya ang reinkarnasyon ng Kristo.

Bilang isang nagpapakadalubhasa sa larangan ng Panitikan at nagmamahal sa kapayapaan, hinahangaan ko rin naman ang matalim na pluma ni Rizal na gumuhit at naging ilaw sa madilim na kasaysayan ng Pilipinas. Iba-iba ang pananaw ng mga Pilipino. May pabor sa paggamit ng panulat bilang epektibong sandata, ay mayron naming duda. Gayunpaman, naniniwala akong karapat-dapat pa rin siyang tanghaling bayani. Wala mang labis, ang mahalaga walang kulang.

 

Tagumpay ang pagtatanhal ng “Joe, The Filipino Rocksikal”. Ang  isang pangkat ng Jose Rizal School ay naatasang magsiganap sa natatanging pagtatanghal ng buhay ni Rizal, hanggang sa naging propesyunal na sila ay nadala nila ang ganitong talento. Maraming taon ang lumipas at nahanap nila ang isa’t isa para sa muling pagtatanghal ng buhay ni Rizal. Nariyan si Joeann na isa ng Historian, si Joecas na mahusay at kilalang director sa kanyang panahon, si Hunter na namundok sa kanyang pakikipaglaban sa mga prinsipyo, si Bimbo na dating bullied pero ngayon ay kilabot na ng chiks, at si Ambo na may-ari na ng salon. Nanindigan rin si Joecas na ipakita sa entablado ang mga issue tungkol kay Rizal na hindi masyadong tinatalakay ng mga guro sa paaralan. Sinakripisyo niya ang kanyang pag-ibig alang-alang sa paninindigan na hindi lamang sining ang ipakita sa publiko kundi ang katotohanan sa mga sinaliksik na detalye. Gayundin naman si Joeann, na sinakripisyo rin ang pag-ibig alang-alang sa kanyang propesyon, at paninindigan sa kanyang pananaw bilang educator at mananaliksik. Pareho silang Joe ng kanilang panahon.

 

Ang estruktura ng dulang ito ay “satirical”. Ang istilong Satirical ay nangangahulugan ng nakakatawa ang dating ng kwento subalit may isyung tinatalakay. Dinekonstrak dito ang karakter ni Rizal at ng iba pang tauhan. Bakla ang gumanap kay Rizal, sapagkat may mga pagdududang bakla siya dahil hindi siya kinasal. Isang kabalintunaan sa iba pang mga salisik na kilabot siya ng chiks. Ang actor din na ito ay gumanap bilang insekto sa ibang mga pagtatanghal, at sa unang pagkakataon gaganap na siya bilang tao. Maaaring nangangahulugan ito na hindi ganoon ang pagtingin nila sa pambansang bayani dahil sa pagpili pa lamang ng gaganap ay di sila nagging metikuloso. Sa karakter naman ng tatlong babaeng kapatid ni Rizal ay may “foil”. Magaslaw sila kumilos at di nila napanindigan ang sout na “saya” na sumisimbolo pa man din sa kahinhinan. Gayundin ang pinakita nilang pagmamaldita ni Melchora Alonzo kay Josephine Bracken dahil nga sa pagtutol sa pag-iibigan nila ni Rizal. Mabait at maunawain ang pagkaka-portray kay Melchora Alonzo sa mga paaralang elementarya kaya naman nagulat ako nang Makita ko ang ibang anggulo ng kanyang pagkatao. Pero sa bagay, hindi anman imposible na ganito ang maging reaksyon ng isang ina. Dinekonstrak din si Josephine Bracken, na baka siya’y isang bayarang babae na pati si Crisanto ay nilandi. Kawawa naman si Crisanto, lagi nalang siyang hinahabol ng mga babae, di naman makatakbo.😄

 

May mga pinakita ding eksena sa entablado na nakarekord pala sa kasaysayan ngunit ngayon ko lang nalaman. Halimbawa nito ay ang pagtrato kay Bracken ng kanyang ama, na incest pala. Nagkaanak sila ni Rizal pero namatay. Tapos dirin payag ang pamilya ni Rizal sa kanilang relasyon, at hindi pinahintulutan ng batas ang kanilang pagsasama. Minsan siguro ganun talaga kapag tinadhana kang maging bayani, sadyang walang espasyo angdugong banyaga sa buhay ng totoong makabayan. Nakakaawa naman pala si Bracken, pero mas nakakaawa ang Pilipinas kung tinalikuran tayo ni Rizal.

 

Bagamat hindi ako kabilang sa mundo ng mga nagtatanghal, may mga nalaman akong katotohanan sa kanilang trabaho sa likod ng pinilakang tabing. Kapag may ni-portrait na karakter ang actor sa entablado, halimbaa pagiging makabayan, hanggang sa punto lang na iyon niya dala ang birtud. Sa kanilang pagtatanghal, inaawit nila ang “Buhay si Rizal”, subalit kapag wala na ang mga ilaw, kapag wala nang mga matang nakamasid, hindi naman nila isinasabuhay si Rizal. Ito ay ayon sa nais nilang iparating, at hindi lang naman tulad nila ang gumagawa nito. Marami, tulad rin ng mga historian, manunulat, at guro, na itinuturo nila sa mga estudyante si Rizal at dapat tayong maging makabayan subalit sila mismo ay hindi napapanindigan ang pagiging Rizal. Hidni ko nilalahat ah, pero ito ang totoo sa karamihan sa ating lipunan. May mga panahon din pala na nagdadagdag ng additional characters (tulad ni Crisanto) or scene sa pagtatanghal upang di maboring ang mga manonood. Subalit kapag nasobrahan ang ganitong sistema, baka maging fictional nalang din ang ating kasaysayan.

 

May mga nilabag din sa pagtatanghal, may mga eksenang Rated SPG. Ang paggamit ng mga sensual na eksena upang mahimok ang taensyon ng mga manonood, kahit hindi naman ito masyadong kailangan sa kwento, at uapang mapalawak ang “sining”, ang makalaman na sining.  Ang paghuhubad ni Bimbo, ang pagpapakita niya ng sexy na katawan, ang pagsayaw ng mga lalaki (yung senaryong bayaran daw si J. Bracken) na naka-underwear lang, ang paglandi ng ate ni Rizal sa direktor, lalung-lalu na ‘yung nakasabit ang kwintas na krus malapit sa pribadong sector ni Joecas. Ang pagmumura, ang paulit-ulit na pagmumura na bagamat kasama sa konsepto ng realismo, ay nalabag pa rin nito ang moral lalu pa’t karamihan sa mga manonood ay menor de edad.

 

“To educate”.. ‘yan daw ang goal ng mga Educational Theater plays… subalit sa ganitong uri ng pagtatanghal, hidni lang edukasyon ang nauwi ng kabataan, libre na yung lust na nakintal sa kanilang mata, tenga at isip. Pero sa bagay, kung ipapakita sa tanghalan ang purong kasaysayan, purong estado ng lipunan, kaunting kagandahang-asal lang naman ang makukuha natin o halos wala na talaga. Dahil ang totoo, laganap pa rin ang epidemyang kanser ng lipunan. May punto sila, kung puro mabubuting bahagi lamang ang ipapakita nila, sining ito, hindi kasaysayan. Kaya naman ayos na rin, wala tayong magagawa, eto na ang mundo, ang maruming mundo.

 

            Ang ganda nga ng sinabi ni Josephine Bracken na hindi raw niya maintindihan ang ating bayan. Huwag siyang mag-alala, hindi siya nag-iisa. Maraming Pilipino ang hindi rin maintindihan ang Pilipinas, ang sarili nilang Pilipinas, kaya naman lalong gumugulo ang bansa. Tulad ko, tikom ang bibig kong pumuna sa paligid ngunit nang mapanood ko ang Joe, nagambala ang payapa kong pananaw. Oo nga noh, dapat simula ngayon alam natin kung ano ang prioridad at kung ano ang isasakripisyo. Dapat matuto tayong manindigan, dahil wala ng iba pang magmamahal sa Perlas ng Silangan kundi tayong mamamayan nito. Kailangan natin ng tunay ng Pilipino, ng tapat na Pilipino, at ng bagong Pilipino, na kakalas sa maling tradisyon, at magpapatuloy sa papaunlad na transisyon. Maaaring maraming Rizal sa ating bayan subalit sana marami pa ang magpaka-Rizal talaga, yung handing manindigan para sa bayan hanggang kamatayan.

 

            Maraming propesyon ang naparangalan sa Joe, The Pinoy Rocksikal, tulad ng mga mananaliksik, guro, manunulat at nagtatanghal sa entablado. Mga kapwa alagad ng sining, na hinihimok ang bawat isa na maging alagad din tayo ng kasaysayan, ng bayan at ng katotohahanan. Ipagpatuloy natin ang pagpapalaganap sa realidad ng nakaraan ng Pilipinas, at ang pinakamahalaga, ay ang maging Joe tayo ng ating panahon.

 

Sulit ang halos tatlong oras naming pagnganga habang hinihintay malutas ang problemang teknikal. Totoong bumawi sa napakahusay na pagtatanghal at paghatid ng napakagandang mensahe ang nasabing play. Sana nga pweden i-video para pwede kong paulit-ulit panoorin. Pag-uwi ko nga sa bahay ay kinuwento ko agad sa pamilya ko yung mga pinanood ko, subalit sila ang hiningal sa emosyonal kong pagdedetalye. Inirerekomenda ko itong panoorin ng lahat ng mamamayang kabilang sa tatsulok. Magmula sa magsasaka, manggagawa, peti-burges, pambansang burgesya, o kahit kabilang ka pa sa naghaharing-uri ng lipunan, kailangan aral mo ang iyong kasaysayan. Sana makaabot sa inyong panahon ang natatanging Filipino Rocksikal na Joe, na may napakagandang estruktura, banghay, setting, at transisyon na ibinalik tayo sa ika-19 siglo patungo sa kontemporanyong panahon.

Author: froeroguis

Pretty Teacher, All-around Writer, Freelance Photographer :D

One thought on ““Si Rizal, ng ika-19 Siglo at Kontemporanyong Panahon”

  1. magandang araw progresibong obserbador,.isang karangalan para sa isang pilipino ang muling balikan kung sino siya sa nakaraang panahon.nawa nga ay hindi lamang sa mga nakakaangat sa buhay o mga middle class ang mga palabas sa teatro patungkol sa ating kasaysayan,at napaka ganda din kung ito’y isinalin man sa makabagong panahon subalit hinahamon ang mga pilipino na mamili ng mga bagay na gagayahin sa kanilang pamumuhay.iminumulat natin sila sa makabagong panahon subalit mas pipiliing gumawa ng mabuti,kapita-pitagan at may karangalan,mga ugaling lipas na, wariy nakaligtaan na ng makabagong panahon.
    isang tanong ang nasa aking isipan,ako bilang isang nakatatanda at ikaw bilang isang nakababata,ano nga ba ang magagawa natin sa ating minamahal na bansa upang muli ay maalala ng karamihan na tayo’y isang pilipino,may kapita-pitagang ugali,marangal,at maaasahan sa isip,sa salita,at sa gawa.nawa’y mapagsama natin ang angking galing na binigay ng Dios para maibahagi ang magandang pilipinas at ang magandang pilipino,.mabuhay!!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s