From Pen to Fingertips

Palayain ang Panitik, Hayaang Pumitik, kasabay ng indayog sa hangin :) (Reviews and other forms of Literature)

Bangkay sa Corinto: Ang Pagsasanib-pwersa ng Dating ng Kasaysayan at Kontemporanyong Panitikan

2 Comments

ROGUIS, Freobel Mae A.                                                                                     Marso 3, 2014

III-1 AB/BSE Panitikan                                                                         Prof. Genaro R. Gojo Cruz

 

             Ang Bangkay sa Corinto ni Vincent Tañada ay isang obra maestrang tunay na maaangkin ng kontemporanyong panahong pampanitikan sa Pilipinas. Ang pagkapanalo ng dulang pangahas, palamura, walang kiliti, walang magandang asal, at puro mabigat na realidad  ang ipinakita—ay patunay na ang Gawad Palanca ay nakalaya na mula sa kumbensyunal na gahum na pamantayan sa panitikan; at narating na ng Panitikang Filipino ang kaakuhan nito sa kontemporanyong panahon.

 

Ang Dating

Ayon kay Lumbera, ang ikatlong kategoryang laman ng kamalayan ay mula sa kasaysayan ng lipunang kinabibilangan ng isang indibidwal. Ang dulang Bangkay sa Corinto ay isang dulang isinulat sa ika-21 siglo ngunit nakaangkla ang banghay sa kasaysayan. Sa unang suri pa lang ay maiisip na agad ng mga Filipinong manonood na ang mga tauhan ay representasyon ng mga tao noong panahon ng Kastila sapagkat nakintal na sa iskema nila na ang katauhan ng kura paroko ay tulad ni Don Corinto na lahat ng babae sa paligid niya mula sa sariling anak hanggang sa mga alipin ay pinagsasamantalahan niya; na ang ilang Pilipino noon ay tulad ni Lemuel Alonzo na makasarili, sakim at taksil din naman sa kapwa makamit lang ang materyal na yaman; na ang ilang Filipina noon ay tulad ni Meding na bulag sa katotohanan at umaasa sa pag-ibig ng mestizo kastila; at higit sa lahat, marami sa mga Pilipino noon ay tulad ni Orang, mababa ang antas sa lipunan ngunit nakaaalam ng katotohanan subalit pinatay upang ang mga impormasyong alam nila ay maging bangkay. Bukod sa paulit-ulit ikinikintal ng akademya sa mga mag-aaral na ganito ang nangyari sa Pilipinas noong panahon ng kastila, ang kasaysayang ito na rin ang humubog sa kaakuhan at bahagi ng kamalayan ng isang Filipinong indibidwal.

 

Ang kontemporanyong panitikan

Ang tuligsa sa kontemporanyong lipunan ay patuloy na umaantig sa mga realidad na hindi pa nabubura kahit na sansiglo na ang layo nito sa panahon ng pakikibaka sa kolonyalismong Español (Lumbera, 1997). Ngunit bukod sa pagkakaangkla ng isang kontempoanyong panitikan sa kasaysayan, nangibabaw rin naman sa Bangkay sa Corinto ang pagkaastig nito mula sa nananariwang-balikwas na istruktura ng isang makabagong dula. Madalas, sa mga telenobela at iba pang genre ng Panitikan, laging nakakabit sa pangunahing tauhan ang pamagat nto. Ngunit sa dulang ito, hindi sa magandang bidang na si Isabelle nakakabit ang pamagat, kundi sa alipin (Oryang); sapagkat malaking bahagi ng representasyon niya ang bumubuo sa mga Filipino noon hanggang ngayon ang mababa ang antas sa lipunan ngunit nakaaalam at nakakakita ng katotohanan. Ang mga squatters sa kalakhang Maynila ngayon ay walang pinagkaiba sa mga aliping Pilipino noong panahon ng kastila—kapwa mga nakaaalam at nakakakita ng baluktot na sistema sapagkat sila ang direktang nakakaranas ng kahirapan. Kinakaingin ang kabahayan (kunwari may batang naglaro ng may sinding kandila), binibigyan ng ‘disenteng’ pabahay; ngunit natatabunan at binabangkay ng nagtatayugang gusali ang katotohanang malaking bahagi ng kasalukuyang lipunan ang may matinding pangangailangan na makausad.

 

Pagsasanib-pwersa

Tunay na bahagi na ng anatomiya ng isang Pilipinong indibidwal na sumandig sa dating ng kasaysayan sa tuwinang siya’y nagbibigay puna sa mga sining ng buhay. Kung bakit ganoo’t ganito pumuna ang isang Filipino, nakapag-aral man o hindi, bukod sa personal, ang kaniyang perspektiba o dating ng mga bagay sa kaniya ay laging may kinalaman ang pagiging baying-api ng Pilipinas at sa anu’t anong paraan ay nananalaytay sa dugo niya na siya’y minsang nasakop.

Kung bakit pangahas, palamura, walang kiliti, walang magandang asal ang ipinakita ng kontemporanyong dulang Bangkay sa Corinto ay dahil ito sa mabigat na realidad na pinadanas ng mga kastila sa ating bayan. Natutunan ng mga manunulat at alagad ng sining ng kotemporanyong panahon na bumalikwas sa mga ideolohiyang gahum sapagkat dahil pa rin sa kasaysayang—sa kagustuhang makalaya ng mga kaisipan ng kasalukuyang henerasyon mula sa pagkakagapos ng naaliping kamalayan.

Magdekolonisa at magpalaya—ang bagong tungkulin ng dating ng kasaysayan para sa kontemporanyong panitikan.

Author: froeroguis

Pretty Teacher, All-around Writer, Freelance Photographer :D

2 thoughts on “Bangkay sa Corinto: Ang Pagsasanib-pwersa ng Dating ng Kasaysayan at Kontemporanyong Panitikan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s