From Pen to Fingertips

Palayain ang Panitik, Hayaang Pumitik, kasabay ng indayog sa hangin :) (Reviews and other forms of Literature)


4 Comments

“ROBOT”

FROE ROGUIS

Dahan-dahan kong hinaplos ang mga bago kong de-metal na laruan. Robot, espada, baril-barilan, beyblade, at mga sasakyang de remote control. Subalit ang pinakagusto ko sa mga ito ay ang Robot. Pwede mo itong utusan at ito’y susunod, pakilusin kung kailan mo gusto, kayang magbuhat ng mabigat at higit sa lahat nag-iiba ang porma nito. Nagiging kotse ito, nagiging korteng aso, depende kung anong anggulo mo gusto. Pinakamahal ito sa lahat ng padala sa akin ni daddy, dahil ito daw ang pinaka-latest na robot ng The Transformers, na hindi pa dumadating sa Pilipinas kaya ako palang talaga ang may ganitong laruan. Mariin ang pagkakaukit ng mga letrang MADE IN SAUDI ARABIA.

 

“Oh ano Kiko, nagustuhan mo ba ang mga padala kong laruan?” sabi ng boses sa telepono.

“Opo daddy.”

 

Kailangan ko na ng bagong kahon at malaking aparador dahil umaapaw na ang mga laruan at damit ko. Sobra-sobra ang pinapadala ni daddy. Mabuti nalang talaga agad siyang natanggap sa ibang bansa. Mabuti nalang OFW ang daddy ko, dahil sa ganoong paraan, natutugunan niya ang pangangailagan ng aming pamilya, na higit pa sa aming kailangan.

Naiibsan naman ang pangungulila ko sa aking daddy sa tulong ng makabagong teknolohiya tulad ng cell phone at internet, araw-araw ko siyang nakakausap.

 

Iyon ay noong unang tatlong taon taon ng aking daddy sa Saudi.

Subalit sa ikaapat at ikalimang taon niya doon, tila bihirang-bihira na siyang tumawag at isang beses sa tatlong buwan nalang siya nakapagpapadala.

Anim na buwan pa ang lumipas bago ulit namin nakausap ang daddy sa telepono.

 

“Kamusta kayo dyan mga anak? Anong ulam niyo?”

“Kare-kare po! Ikaw dad kumain ka na ba? anong ulam mo?”

“Gulay, pechay,” sagot ni daddy.

“Pechay nanaman? Bakit hindi karne dad?”

“Masustansya din naman ang gulay anak. Minsan kumakain din naman kami ng nilagang baka,”

“Kailan po kayo uuwi? Akala ko nung nakaraang taon pa ang iskedyul nyo ng pagbabalik-bayan?”

“Na-extend kasi ang trabaho ko anak e,”

 “Dad, bakit parang ang hina ng boses niyo? Maysakit po ba kayo?”

“Ah wala anak, paalam na, kailangan ko nang ibaba ang telepono, tinatawag na ako ng boss ko.”

Nagmamadaling ibinaba ni Daddy ang telepono.

 

Mag-aalasingko-imedya na ng hapon, napadaan kami ng aking kaibigan sa Intramuros, sa tapat ng Department of Labor and Employment. May halos isangdaan na manggagawa ang nananawagan ng tulong sa mga opisyal.

 

“Anong kaguluhan ito?” binasa ko ang mga placards na kanilang winawagayway.

“KATAS NG SAUDI, IBASURA!”

“MANPOWER, BRING THEM HOME!”

Nilapitan ng kaibigan ko ang isang balik-bayan na sumisigaw, at tinanong.

“Manong, ano pong nangyayari?”

Tumugon ang manong, “Nananawagan kami sa pamahalaan na tulungan pauwiin  ang mga kasamahan naming manggagawa sa Saudi. Wala na silang trabaho doon pero hindi pa rin makauwi dahil hindi binabayaran ng kanilang Arabong employer ang halagang katumbas upang makauwi na ang mga empleyado.”

 

Buti nalang may trabaho pa ang daddy ko, sa isip-isip ko.

 

“Ang agency na namin ang gumawa ng paraan para makauwi kami, dahil kung hihintayin namin ang pagkilos ng ating pamahalaan, aabutin nalang kami ng pagkamatay doon. Napakabagal kumilos ng ating gobyerno, tuloy-tuloy ang pagpapadala nila ng lakas-paggawa sa Saudi samantalang halos 50% pa ang mga OFW ang dalawang taon nang di nakakauwi at walang trabaho.” Dagdag pa ng mamang nakapanayam.

 

“Maaari nyo po bang isalaysay sa amin ang inyong mga karanasan sa Saudi?” tanong pa ng aking kaibigan.

 

“Namumulot kami sa palengke ng mga gulay…” Tugon niya.

 

Ah, buti nalang, ang daddy ko hindi namumulot, bumibili siya ng pechay, at nakakakain ng nilagang baka, sa isip-isip ko ulit.

 

“Pechay ang pinupulot namin, ‘yun lang ang nagkalat sa palengke, kahit bulok na pinipili nalang namin yung tangkay, pwede pang pagtiyagaan kainin, ang iba’y mahal na ang presyo. Wala na kaming pera kaya din a namin kaya bumili. Minsan nakakakain kami ng nilagang baka kapag dumadalaw sa amin ang nagboluntaryong Pilipinong nurse. Nakalagay sa itim na plastic ang pinagsama-samang pagkain. Kahit tira-tira sa ospital ang mga nilagang baka na iyon, ang mahalaga nalalamanan ang aming sikmura.. Tuwing madaling araw namin inaabangan ang pagdating ng nurse, dahil pinagbabawal ang pagtulong na ginagawa niya, tinatakas lang kasi niya sa ospital ang mga binibigay sa amin. Naiiyak nga ako sa tuwing maaalala ko yun, nag-aagawan talaga kami sa pagkain dahil gutom na gutom,” dagdag pa ng manong. “Nang isinalaysay naming ang kalagayan namin sa agency naming yung nangayari sa amin doon, nagalit ang agency naming dahil nagpapadala pala sila ng food allowance para sa aming OFW, saan napunta ang budget na ‘yon!”

 

Ah, hindi. Nakapagpapadala pa sa amin ng pera ang daddy ko, kaya sigurado ako hindi siya kasama sa mga nawalan ng trabaho,  paninigurado ko sa aking sarili.

 

“Kinulong pa nga kami ng aming mga amo sa isang compound at bantay-sarado iyon ng mga gwardiya. Bawal kami lumabas dahil pag nahuli, siguradong ikukulong. May malit na butas sa pader, tuwing madaling araw, salitan ang pagtakas namin at dumidiskarte ng trabaho. Nagkakargador kami sa palengke, naglilinis ng sapatos at kung anu-ano pang diskarte para makapagpadala kami sa aming pamilya sa Pilipinas. At sa pagbalik namin sa compound, dapat may dala kaming bigas upang may makain ang mga naiwan sa loob. Nung nakaraang buwan nga, may isa kaming kasamahan na nahuling tumakas para makatawag sa pamilya niya, ayun binaril siya ng gwardiya, napagkamalang magnanakaw, hindi ko alam kung alam na ng pamilya niya ang nangyari sa kanya,” Patuloy niya.

 

Nakakatawag pa sa amin ang daddy ko kaya sigurado ako hindi siya isa sa mga kinukulong.

 

“Kapag nakatakas kami, sumasaglit kami ng tawag sa pamilya namin sa Pilipinas, pero dapat mabilis lang dahil baka may makakita sa amin. Expired na kasi ang aming lisensya kaya bawal nang gumala, kaya nga nagmamadali na rin kaming makauwi sa Pilipinas para hindi kami tago ng tago.”

Wala namang binabangit sa amin na ganitong isyu ang aking daddy, wala kaming nababalitaan ganito. Muli kong kinumbinsi ang sarili ko na hindi talaga kabilang ang daddy ko sa mga na-stranded sa abroad.

 

“Ang problema pa sa mga mamamahayag sa Saudi, hindi nila binabalita sa telebisyon ang kasalukuyang isyung ito. Pinipigilan sila ng kanilang pamahalaan na ilahad ang katotohanan, gusto kasi nilang mapanatiling malinis ang kanilang reputasyon, subalit ang totoo’y wala silang habas mang-alipusta sa mga Filipino. May mga bantay pang Arabo sa Telephone Booth. Kaya naman, hindi tuloy nababalitaan ng mga kaanak naming sa Pilipinas ang mga nangyayari sa amin doon. Marami pa kaming kasamahan ang naiwan sa Saudi. Patuloy silang nagugutom, nagkakasakit at hindi pinapakinggan. Kaya naman kaming mga nakauwi na ay gumagawa ng hakbang upang mapauwi sila.” Ngarag na ang boses ng manong.

“Nang pinalabas na kami sa compound, doon na nagsimula ang paglalakbay namin hanggang sa marating ang OWWA. Tuwing madaling araw kami naglalakad dahil nakakasunog ng balat ang init. Nang marating na naming ang kagawaran, sinugod kami ng mga pulis sa pag-aakalang gagawa kami ng karahasan. Pinukpok kami ng baril, kinaladkad, at pinaputukan. Nakuhaan ng video ang pangyayaring iyon, kaya nagkaroon na sana kami ng ebidensya para ireklamo sila, subalit sinabi ng Saudi Arabia Embassy na hindi nila pipirmahan ang aming papeles  kapag hindi naming binura ang video at — ”

 

Hindi ko na tinapos ang sinasabi ng balik-bayang ito. Kasing-bilis ng paglubog ng araw ang pagkaripas ko ng takbo pauwi sa aming bahay. Kasing-ingay ng busina ng mga sasakyan ang mga tanong na nanahan sa aking tenga, at paikot-ikot sa aking isipan.

 

Ang daddy ko, kailan siya uuwi? Bakt hindi namin nalaman ang tunay na kalagayan niya sa Saudi? Hindi pala pinupulot ang perang pinapadala niya sa amin.. Akala ko isang karangalan sa pamilyang Pilipino ang magkaroon ng kaanak na OFW, pero parusa pala… Akala ko ba bayani silang tinuturing ng ating pamahalaan? Bakit hindi sila matulungan? Kailan kaya siya ulit tatawag? Noong nakaraang buwan pa siya huling tumawag ah..

 

Nakalimutan kong kailangan pa palang mag-jeep mula sa Intamuros hanggang sa bahay namin sa Carriedo, halos di kasi umuusad ang mga sasakyan noon kaya tinamad na rin akong mag-jeep. Kasing-bigat ng trapiko ang aking kalooban. Tumakbo ako nang tumakbo sa pag-aakalang sa pamamagitan nito matatakasan ko ang realidad.

 

Dali-dali kong hinanap sa aparador ang Robot na pinadala sa akin ni Daddy noong nakaraang taon, gawa ito sa metal.

Hoy Robot, pumunta ka nga sa Saudi, sunduin mo ang daddy ko! Inuutusan kita Robot, sumunod ka! Kaya mo lahat diba? Kaya mong maging kotse, kaya mong maging aso, kaya mong….

Biglang umagos ang luha ko..

Alam mo, Robot, para ka palang daddy ko, kayang-kaya ang lahat makapag-padala lang sa amin. Kaya magkargador, kaya maglinis ng sapatos, kaya mamulot sa palengke, kahit Inhinyero talaga ang inaplayan niya sa Saudi. Naging katulad mo ang daddy ko na limitado lang sa utos ng boss ang pwedeng gawin, tinali rin sila ng batas, at higit sa lahat, tulad mo, hindi rin siya nabigyan ng kalayaan makapagpahayag ng damdamin… Robot, napapagod ka na ba sa mga utos ko? Patawarin mo ako, kung naging among Arabo ako sa’yo, malupit at walang konsensiya.

Niyakap ko ang robot, sa ganung paraan para ko na ring niyakap ang aking daddy.

 

Pumasok si Mommy sa aking kwarto at siya’y humahangos ng iyak.

“Mommy, bakit? Anong teleserye nanaman ang nakapagpaiyak sa iyo?” tanong ko.

 

“Anak, binalita sa telebisyon yung mga nagra-rally na OFW sa DOLE… pinahayag nila ang mga karanasan sa Saudi, yung mga hindi pa makauwi..”

 

“Kasama si dad sa mga hindi pa makauwi?”

 

“Kasama ang daddy mo sa hindi na makakauwi, anak. Kasama ang pangalan ng daddy mo sa mga namatay…”

 

Parang bilang nagsarado ang pandinig ko nang marinig ko si mommy. Anong kinamatay ni daddy? Sakit ba? Dahil sa sobrang init? Gutom ba? Virus dahil mga tira-tira ang kinakain nila? Gusto kong malaman pero tila binusalan rin ang aking bibig.

 

“Binaril siya ng gwardiya anak, habang tumatawag sa telepono.”

 

Kasabay ng mabilis na pag-agos ng luha ang pagsabog ang damdamin ko, kasing-lakas ng sigawan ng mga OFW na naghahangad ng katarungan sa tapat ng DOLE. Kung alam ko lang na iyon na ang huli naming pag-uusap, sana kinuwento ko na sa kanya lahat ng tagumpay ko sa buhay na hindi niya nasaksihan dahil nasa malayo siya.

Bayani ang daddy ko, pero sarili niyang bayan ang nagtulak sa kanya sa kapahamakan. Akala ko ba gusto ng Pilipinas nang matibay na lipunan? Kung gayon bakit hinahayaan ng ating pamahalaan na magkawatak-watak ang pamilyang Pilipino?

 

Muli kong niyakap ang robot at ngayon ko nadama na sana si Daddy nalang ang yakap-yakap ko.

`               November 1, 2012 Genre: Maikling kwento Bilang ng salita: 1,731 unang burador