Mariin kong pinaskil sa dingding ang ginupit na larawan ng condominium na inabot sa akin ng babae kanina sa mall, sa Times Plaza. Ayan, kabilang na ito sa vision board ko. Balang araw, maninirahan ako dito, maginhawa, mataas, tahimik at maaliwalas na lugar. Nahiga na ako at natulog, dahil bukas, haharapin ko na naman ang realidad ng buhay.
Maingay, masikip, maraming dapat ayusin. Mahirap maka-tiyempo ng pribadong oras, mahirap matutukan ang pagbabasa at pagsusulat. Wala akong pribadong lugar sa bahay na ito maliban sa kama ko. Kasing liit ng espasyo ko ang limitasyon sa akin ng oras. Siguro kung nakatira lang ako sa condominium nila Noreen, makakapag-review ako ng maayos. Mag-isa lang kasi siya doon, walang nag-uutos na ‘Noreen maglinis ka nga muna, paki-hanger nga muna nito, hugasan mo muna yung mga pinggan, o kaya, Noreen pakiabot nga’. Kung kikilos man siya, hawak pa rin niya ang oras niya. Walang nagtatakbuhang mga kapatid, walang mahuhulog na figurine dahil nasagi, walang dagdag kalat. Isa pa, busy sa trabaho ang mga nakatira sa condominium kaya yung mga kapitbahay niya dun eh tahimik. Walang magdamagang videoke na mahirap patahimikin sa dis oras ng gabi lalo na ‘pag wala sa tono. Walang TV, walang computer, kaya walang temptasyon. Pero sibilisado pa rin dahil may tamang lugar para dito. Bukod sa libro at radyo, wala ng ibang libangan kundi pag-aaral. Ano kayang pakiramdam ng nakatira sa condominium? Ano kaya ang pakiramdam ni Noreen? Siguro, ang payapa.
“Punta tayo sa’min! samahan niyo ko, wala akong kasama dun e.” sabi ni Noreen. Yesss, sa wakas makakaapak na rin ako sa condo! Apat kami nun, ako, siya, si Ela at si Abi.
Bumaba na kami sa Gil Puyat at muling sumakay ng jeep. Sa pag-andar nito, tila nagsimula ang bagong byahe ng aking buhay.
Tordesillas St., Ayala Land, Bell Air, Makati City – dyan kami pupunta.
Ito pala ang Makati. Wow! Astig! RCBC, FEU, MAPUA, Forbes, Ayala Lands, Sy… ang tataas ng mga gusali at naglalakihan ang mga establisiyimento. Ang luwag ng kalsada, tukoy ang daan kung alin ang para sa tao at para sa sasakyan. Gumagana ang traffic light at higit sa lahat malinaw ang pinta sa pedestrian lane.
Ibang-iba sa pang-araw-araw kong ruta. Ano ba namang kaaya-ayang view ang meron sa kahabaan ng Caloocan? Marsman Hotel, Police Station sa tapat ng mga bulwagang-aliwan,mga kalsadang naaayos lang ‘pag malapit na ang eleksyon. Baliwag bus terminal, mga bahay na pinagtagpi-tagpi at mga espasyong mababakas pa ang nagdaang demolisyon. Mga batang naliligo sa tabi ng nabutas na tubo ng NAWASA, na walang clue kung kailan tatapalan, tapos hihirit ng taas ng water bill dahil daw may krisis sa tubig. Hmm. Mayroon ding mga pamilyar na baha na nanirahan na sa mga estero, at mahirap hulaan kung kalian nila balak humupa.
Haay. Mabuti pa dito sa puso ng Makati, malinis at disiplinado ang mga tao. Mga de-kurbata ang mga tumatawid, at sentro talaga ng sibilisasyon at nagbobonggahan ang mga bahay sa subdivision.
Huminto ang jeep sa tapat ng Mapua Institute of Technology. Bumaba ako, tapos bumaba rin silang tatlo. “Freo, bakit ka bumaba? Doon pa tayo.” Sabi ni Noreen. Ganun ba? May narinig kasi akong pumara. So ayun, nakibaba na rin ako. Go with the flow! Haha, tawanan kaming lahat at pinagpatuloy ang paglalakad sa ginintuang sidewalk. Medyo nakakaalangan nga lang, baka kasi bigla kaming pituhan ng pulis at pagkamalang ‘jaywalking’. Pero mukha namang pang-tao talaga ang daang ito.
Napasok na namin ang Tordesillas. Entrance pa lang may mga unipormado ng tagapag-panatili ng kaayusan. Habang naglalakad, nakatingala kami sa ulap. Pilit na tinatanaw kung may katapusan ba ang mga gusali. Teka lang, ano ‘to? International School? Wow! Magkano tuition dyan? 100K? Iba’t ibang lahi nag-aaral dyan? Nagtatagalog ba sila? Batiin natin, ‘hello there!’. Ang dami namang building dito, ano yang mga ‘yan? Kompanya?
“Hindi, mga condominium yan.” Sabi ni Noreen. Ahh. Puro condominium? Walang local industry?
“Freo, may nakita akong napakagandang condo dito. Nung nakita ko yun sabi ko, dito titira si Freo.”
Puno ng halakhak, paghanga at pangarap ang aming pagtahak sa gintong lupain ng Bell Air. Medyo malayo-layo na rin ang nalalakad namin, akala ko malapit lang.
Uy, 7-11, nag-iisa. Nakakauhaw, pero mukhang mahal dyan, mukhang mayayaman kasi yung mga customer.
“Dito ako nagpapa-load. Ang mahal ng load dyan! Ginto! Yung P30, P32 ang bayad!” Wala na kasing ibang loading station dito e.” kwento pa ni Noreen. Grabe ang mahal nga, may patong na dos. Sa P30 may tubo na silang apat na piso don (alam ko kasi dati ko ‘yang negosyo). Tapos magpapatong pa, kapitalista! Siguro kasi, naka-plan yung mga mamamayan dito kaya isa lang ang loading station.
“Kung dyan ka nagpapa-load, ibig sabihin malapit na tayo sa inyo?”
“Hindi pa, malayu-layo pa.”
Okay, lakad ulit. Hanggang sa umagaw ng pansin ang isang napalaki at napakagandang bahay na mala-London ang peg.
“Wow! Sino nakatira dito? Bahay ‘to? Mansion? Ba’t may guwardiya?” sabi ko.
“Ayan na yun Freo!”
“eto na yung inyo?”
“Hindi! Ayan na yung sinasabi kong condominium na titirhan mo. Oh diba tama ako, nagustuhan mo.”
Ang ganda talaga ng architectural design ng gusaling ito. Salcedo Mansions pala ang tawag dito. United Kingdom ang aura. Sandali kong pinako ang aking tingin sa bawat detalye mula sa bintana, pader at gate, (imported ang metal ‘to sure ako), habang binibigkas sa isip na ‘magiging akin ito’. Subalit natapos ang mga sandaling iyon nang ipako rin ng mga guwardia sibil ang kanilang tingin sa amin. Sige, titig pa kuya, wala ho kaming balak akyatin yan, utang na loob, sa ganda naming ‘to hindi namin sideline ang pagiging akyat-mansyon gang. Pero naisip namin, teka, ano kaya ang wika ng mga guwardia sibil? Baka English? Hmp. Nevermind, wag silang kausapin. Diretso na, lakad ulit.
Wala namang tumatawid pero nakahinto ang kotse. Ahh.. sabi kasi ng traffic light, stop daw. Ang galing, pag nakapula ang ilaw, kahit walang tumatawid, hihinto pa rin ang driver kahit walang pulis na huhuli. Ah, kasi may CCTV pala sa kalsada. Astig.
Matapos ang maraming-maraming kembot, narating na naming ang condo unit ni Noreen.
“Tuloy po kayo.” Sabi ng guwardiya. Uy, nagtatagalog ang gwardiya, hindi siya masungit at hindi niya kami hinusgahan.
Maluwag ang unit ni Noreen, kaunti ang gamit pero kumpleto, nasisinagan ng araw, tahimik, matiwasay, at very relaxing. Lahat ng kailangan mo nandito na, wala ka ng poproblemahin. Makakapagsulat ka talaga ng maayos dito dahil lahat ng bagay mai-internalize mo, lahat ng epiphany, stream of consciousness masasalo mo. Ang sarap mabuhay dito, gusto ko na ditooooo!!!
“Nasasabi lang ‘yan ng ng mga taong hindi pa tunay na nararanasan ang ganitong uri ng buhay,” biglang hirit ni Noreen. Pinilit ngumiti ng kaniyang labi kasabay ng malungkot na pagpikit ng kaniyang mga mata.
Tapos na kaming apat kumain.
“Tulungan ka na naming maghugas.”
“Hindi, ako na. Sa wakas, apat na plato ang huhugasan ko! Apat na kutsara’t tinidor, apat na baso. Ang saya, namiss ko ‘to! Dati sa bahay, nagrereklamo ako pag maraming hugasan, pero ngayon, blessing pala pag maraming hugasan dahil ibig sabihin, may kasama ako. Lagi kasing tig-iisa lang yung hinuhugasan ko. Isang plato, isang kutsara’t tinidor, isang baso. Kasi nga mag-isa lang ako. Haay. Miss ko umuwi sa’min.”
Nangibabaw ang katahimikan matapos magsalita ni Noreen. Siguro nga tama siya. Malungkot kaya mag-isa? Malungkot kaya yung walang nagtatakbuhan sa loob ng bahay? Yung walang nangungulit o nang-iistorbo? Hindi ko alam, medyo introvert kasi akong tao, at buhay na buhay ako sa tahimik na lugar kaya sa tingin ko masaya mag-isa. Pero medyo introvert din naman si Noreen, pero sa kanya na mismo nanggaling na nakakabingi ang sobrang katahimikan.
“Tara nga, ilibot mo kami sa buong Bell Air!”
Dinala kami ni Noreen sa may parke, kung saan may napakagandang landscape architecture, humahalimuyak ang mga bulaklak at nagniningning ang mga berdeng halaman kapag nasisinagan ng araw. Woooow! Ang aliwalas dito! Malayong-malayo ang atmospera ng lugar namin na wala kang ibang makikita kundi dikit-dikit na mga bahay at baha. United Nations yata ang pangalan ng parke dahil iba’t ibang nasyonalidad ang nakatambay dito. Gusto sana namin silang kamustahin pero mukhang ang hirap lapitan, tsaka effort pa ang pag-i-english! Pero, mayroon din namang Filipino dito, sila yung humahabol sa mga bata kapag tumatakbo, at umaalalay kapag tutumba sa bike. Sila yung taga-punas ng pawis, taga-lagay ng pulbos at taga-karga sa batang iba ang lahi.
Astig ng paligid, sarap mag-photoshoot! Buti pa yug Chinese na babae, may DSLR, samantalang ni isa sa aming apat, kahit cellphone na may malinaw na camera eh wala.
Nagpatuloy kami sa paglilibot. Kasabay ng unti-unting pagbaba ng araw ay ang lumalalim na rin naming interpretasyon sa lugar.
Maraming pasikot-sikot, maraming pedestrian lane, maraming mamahaling sasakyan na dapat iwasan. Maraming Salcedo Mansion. May nadaanan kaming Malaysia Embassy, Korea Embassy, Saudi Arabia Embassy, at kung anu-ano pang embassy. Utang na loob, baka naman may Base-Militar din dito ang US Navy? Nasaglit rin sa aming paningin ang mga mamahaling restaurant tulad ng Starbucks, Coffee Bean, Country Style, Sbarro, Pizza Hut, Krispy Kreme, Wendy’s, Pancake House, French Baker, at iba pang mamahaling restaurant na hindi pamilyar ang pangalan. Walang Chickboy? Shempre walang P25 coke float dyan, di tulad sa McDo. Hanggang P25 Combo Meal lang kaya ang budget namin. ‘Yun bang pasta with bread roll at juice na. Ginto ang mga pagkain. So dito talaga kumakain yung mga tao dito? Boring ng buhay ha infairness, wala ng luto-luto dahil laging nagmamadali. Anong mararating ng limang piso namin dito? Wala man lang nagtitinda ng palamig sa kanto. Sa pag-usad pa ng aming mga paa, nakita namin ang isang gusali ng International Baptist Church. Wow, nakaktuwa naman,may Baptist Church dito. Wait lang, IBC na ‘to, sa’n na kami banda? Shemay! Palabas na ito ng Tordesillas!
Di namin namalayan na nilubugan na kami ng araw sa aming paglalakbay at bigla nalang nag –iba ang ihip ng hangin. Tila napalitan ng kalungkutan ang kanina’y pakamangha sa lugar.
NALILIGAW KAMI.
“Balik tayo, saan ba tayo dumaan kanina, dito diba? Tara.”
Malayo-layo na pala ang aming narating at seryoso, kahit si Noreen ay nakaligtaan ang landas pauwi.
Madilim na. Habang hinahanap namin ang daan pabalik sa pinanggalingan, dito na namin na nadiskubre ang mga nakatagong katotohanan sa likod ng sibilisadong subdivision. Ibang-iba pala ang aura ng subdivision na ito kapag gumabi. Kung kaninang umaga ay napakaaliwalas ng paligid, ngayon makikita sa dilim ang tunay na estado ng lugar.
Wala gaanong tao sa kalsada. Halaaa… Paano yan, kanino tayo magtatanong kung saan ang daan?
May nakita kaming lalaki, de kurbata. Ayun, tanungin natin siya. Teka, Amerikano siya, syempre English salita niyan, teka paano ba natin itatanong, ganito ba, Sir, where— pero bago pa namin makumpleto ang structure of English, nakaalis na ang lalaki. Nagmamadali siya, mukhang busy at di man lang kami nilingon.
May isa pang dumaan, Indiana naman. Sa sobrang paghanga namin sa ganda niya, lumampas na siya at kaya nakalimutan na namin siyang tanungin. May isa ulit tumawid, Koreana, Chinese, Japanese, haaayy… pwede wait? Ang bilis niyo maglakad. Mga nagmamadali sa buhay ang mga ito, hindi man lang huminto, wala man lang nakaisip na tanungin kami kung ano ang maipaglilingkod nila sa amin. Hindi sila pwedeng ma-late sa trabaho kaya siguro wala na silang panahon sa social life. Kami pa mag-a-adjust!
Wala man lang bang Filipino na mapapadaan sa harap namin sa oras na ‘to?
Naalala ko, sa school, kahit male-late na sa susunod na klase, kapag nakita ang problemadong kaibigan, ay hihinto talaga para tulungan siya. O kung wala namang problema, kahit sa napakaabalang oras naisisingit pa rin ang sandaling kamustahan, dahil sa mga ganitong bagay nabubuo ang pagkakaibigan. Sa LRT, kahit nagkakasakitan na ng pisikal, nagkakaintindihan pa rin, hindi nagsusungitan, hindi nag-iiwasan. Pare-parehong naiintindihan ng mga pasahero na lahat sila ay biktima ng trapik sa ibaba kaya no choice sila sa tren kundi magbigayan. Sa mga kiskisan ng balat doon, minsan nabubuo ang pag-iibigan. Ha? Anu daw? Ang ibig ko lang naman sabihin, may social life ang mga Filipino. Naalala ko pa noon, may nagtanong kay Ela kung saan ang Philippine General Hospital, tinuro ni Ela yung pabalik sa Manila City Hall. Kahit mali yung daan na tinuro niya, at least nakipag-kapwa tao siya. At least napagtanungan at hindi nagsungit. Ganyan ang Filipino, hindi man sa lahat ng oras tama ang impormasyong binibigay, ang mahalaga bukal sa loob ang tumulong. Samantalang dito sa Ayala Land, sinasabing sibilisado daw ang Pilipinas pero hindi naman mga Filipino ang nakikinabang! Mga ibang lahi lang naman ang naka-afford ng industrialisasyon na sinasabi nila. Ayan tuloy, hindi na uso ang kultura ng pagtatanong kapag naliligaw ka na.
Nasa Pilipinas pa ba tayo? Bakit ganito yung itsura ng mga tao? Singkit, puti, matatangkad, blonde ang buhok.. bakit ganito yung mga kabahayan? Walang kapayakan. ‘Yung estruktura ng mga gusali kopyang-kopya yung kanluranin. Feeling naman snow din dito kaya gaya-gaya ng estruktura? Bakit walang nagtitinda ng ihaw-ihaw sa kanto? Walang palamig, walang kwek-kwek, walang mararating ang aming limang piso. Bakit puro pedestrian lane? Sa Pilipinas diba kupas na yung linya eh asahan mong sa eleksyon pa ulit mapipinturahan. Bakit walang gasgas yung mga dumadaang Mazda, Ford, Fortuner, Chevrolet, Toyota? Bakit walang…. Teka, bakit walang Jeeeeep? Grabe. Wala na tayo sa Pilipinas!
Naliligaw kami sa sarili naming bayan!
“Yuuun! May Filipino! Tara magtanong tayo!” Biglang napalakas ang boses namin nang may natanaw kaming Filipino. Naka-uniporme ang ale na ito, at hawak ang tali ng asong Shitzu.
Pilipino, alipin sa kanyang sariling bayan.
Buti pa sa Pilipinas uso askal. Dito pati aso may lahi! Buti pa sa Pilipinas sasakyan ang umiiwas sa tao, eh dito pag di ka sumunod sa ilaw-trapiko patay ka! Lasug-lasog katawan mo. Buti pa sa Pilipinas may maririnig kang korning joke ng mga tambay, eh dito tunay na nakakamatay nga ang tinatawag nilang kapayapaan.
Buti pa sa Pilipinas…
Buti pa sa Pilipinas…
Punong-puno kami ng ‘buti pa sa Pilipinas’ sa kabila ng katotohanang nasa Pilipinas pa rin naman kami, sa Makati nga lang, Ayala Land Bell Air, lupain ng isa sa mga naghaharing-uri sa larangan ng negosyo.
“Gusto ko nang umuwiiiii!” sabi naming tatlo nila Abi at Ela.
“Ayan, nalungkot agad kayo noh? Oh ano, maganda dito? Payapa? Gusto niyong tumira dito?” sabi ni Noreen.
Na-culture shock lang naman kami. Taray, culture shock sa sariling bansa!
Nakakatawang isipin na sa pag-unlad ng mala-kolonyal na industrialisasyon at paglipad ng sibilisasyon, ay naaapektuhan din ang kultura ng bansa na sana ay pinagtitibay ng panahon.
“Pasensya na, nasanay kasi kami sa squatters area!”
Nahanap na namin ang condo unit ni Noreen. Nagmadali kami sa kanya-kanyang kuha ng bag. “Uwi na tayoooo!”
“Sandali, ihahatid ko kayo.”
Lumingon ako sa paligid. Ihahatid kami ni Noreen, at sa aming paglisan maiiwan nanaman siyang mag-isa sa maluwag, tahimik, at maaliwalas na apat na sulok na bahay.
Kung gaano ito kaluwag, ganoon din kalimitado ang mga taong pwede niyang kausapin. Hindi niya makakausap yung doktor niyang kapitbahay at hindi rin niya makakakwentuhan yung anak nitong nag-aaral sa International School, at hindi rin niya sila maaabutan ng ulam dahil busy sila at malamang kumain na sila sa labas. Yung guard lang at yung housekeeper ang makakakwentuhan niya at makakatawanan dahil sila yung mga uri ng taong kahit hindi ganoon kataas ang antas sa lipunan, mahusay silang magpahalaga ng pinagsamahan. Kung gaano katahimik ang paligid niya, ganoon niya kailangan paingayin ang isipan dahil walang ibang sasagot sa kanyang tanong kundi sarili niya. Bukod sa radyo, sana may iba pang pagmulan ng komunikasyon. Kaya pala mahalaga sa kanya ang phone call. Kung gaano kaaliwalas ang kanyang silid, ganoon naman kalungkot ang kanyang damdamin. Mas maaliwalas pa rin pala yung paminsan-minsan may manggugulo sa tahimik mong mundo, yung may magtatanong at yung may mag-uutos.
Pag-alis namin, siya nalang ulit mag-isa dito. Makakapag-review siya ng maayos, makakapagbasa at makakapagsulat. Pero maiiwan ang echo ng halakhak namin kanina, na paulit-ulit niyang pilit maririnig. Mga tawanang sa isip nalang niya muling bubuuin, at mga natapos na ngiti.
Nang palabas na kami sa Tordesillas, nauhaw kami. Walang karinderya na pwedeng hingan ng tubig. Nakakahiya naman kung papasok kami sa Starbucks tapos manghihingi lang pala kami ng tubig. Pero buti nalang, may nakita kaming maliit na tindahan ng ulam. Nasa gilid ito ng kalsada at may mga customer.
“Ito na yung pinaka-karinderya dito. Mga manggagawa ang mga kumakain dyan. Kadalasan sila yung karpintero ng mga naggagandahang bahay sa lugar na ‘to, o yung mga drayber ng mayayamang kano. Sila yung mga Filipino.” Trivia ni Noreen.
“Saan nakatira yung mga karpintero ng mga mansion? Dito rin ba sa Ayala Land?”
“O, kung may sarili ba silang bahay?”
Saglit na katahimikan.
Nilapitan namin ang karinderya at walang habas kaming nagparinig,
“Nakakauhaaaaw! Libre kaya yung tubig dito?” Sa wakas narinig nung manong, “Oo naman libre ang tubig dito, inom kayo! Baso nga dyan, iinom yung mga bata.”
Sa wakas, nadampihan rin ng malamig na tubig ang lalamunan naming uhaw na uhaw hindi lang sa biolohikal na pangangailangan kundi pati na rin sa social life. Sa wakas, may kumausap rin sa amin sa lugar na ito, at may nagpatuloy sa amin sa kanilang kainan. Iba talaga ang mga Filipino, kahit mahirap sa salapi, mayaman naman sa pagtulong.
Tinuro sa amin ng pulis kung saan ang sakayan ng jeep. Sa patuloy naming paglalakad pauwi, tuwang-tuwa ang aming mga puso dahil nasa Pilipinas na ulit kami.
May jeep na! Nasa Pilipinas na tayo. Kupas yung pedestrian lane, Pilipinas na tayo. May ihaw-ihaw na sa kanto, Pilipinas na nga ito. May mukha ni Mayor yung sasakyang pang-patrolya, tent, ambulansya at fire truck. Teka, Caloocan nab a ‘to? Pilipinas na talaga! Uy, may dura yung semento!
Tinginan. Pilipinas naaaa!
Ang saya-saya, Pilipinas na nga! Nalaman kong sa likod pala ng nagkikislapan at nagtataasang mga gusali natatago ang kalungkutan ng mga taong walang ginawa kundi ang magpatali sa trabaho, na ang goal sa buhay ay magtrabaho nang magtrabaho para sa ikayayaman ng kompanyang hindi naman kapwa Filipino ang may-ari. Tapos ‘pag mayaman na, tatawagin nila ang sarili nila na succesful. Ano ba ang pamantayan ng tagumpay? Sa sarili, pera ba? Material na bagay lang ba? Sa bansa, pagtaas lang ba ng ekonomiya? Basta’t makasabay lang ba sa ikot ng globalisasyon? Paano naman ang sariling kultura? Ang pagka-Filipino?
Pag-uwi ko sa bahay, nadaanan ko yung nagba-barbeque, kwek-kwek, palamig, siomai, fishball, tsaka yung mga nagtitinda ng chicken joy ng lansangan napang-ulam sa gabi. Yung mga nagtatakbuhang paslit na walang salwal (pero nai-enjoy yung pagkabata) yung mga PBB Teens na tambay (pero nag-aaral pa rin ng mabuti para sa pamilya at bayan), yung mga nanay na updated lagi sa ulat sa sambayanan (pero personal na inaalagaan ang kanilang mga anak, upang mapanatili ang pagkakabuklod ng pamilya) at yung mga nagvi-videoke sa bawat kanto na walang pakundangan sa pagbirit ng Victims of Love! (Tapos next naman yung “Upuan” at “Walang Natira” ni Gloc9.)
Namiss ko ‘to!! Isang araw lang akong nawala at umapak sa kalangitan ng Ayala, pero napagtanto ko, na kung mahirap mabuhay sa ganitong uri ng lipunan, mas mahirap naman umunlad ng walang kasama. Masikip sa paghinga yung nasa ika-tatlumpung palapag ako ng Salcedo Mansion tapos yung mga kababayan ko wala man lang kahit isang palapag na tahanan. Kung aangat ako sa buhay, hindi ako aangat mag-isa, sama-sama kaming aangat ng mga kapwa ko Filipino.
INALIS ko sa vision board ko ang ginupit na larawan ng condominium na dinikit ko nung isang araw. Hindi ito ang sagot sa lumalalang isyu ng iskwater sa Pilipinas. Hindi ang muling pagpatong-patong ng maliliit na unit, kundi tamang pagbabahagi ng lupa. Oo, sabi ni mama, “Condominium? Ang liit-liit tapos ang mahal-mahal! Pansamantala at pananamantala lang ang investment na ‘yan. Dapat Lupa! Praktikal at matalinong pagpapasya kapag lupa ang investment kasi habang tumatagal, tumataas yung value. Pinagmumulan pa ito ng buhay, pagtatanim, pag-aalaga ng hayop…”
Isa pa, kahit gaano pa kamahal ‘yang condo, hindi pa rin ‘yan sasantuhin ng sakuna. Higit sa lahat, ayokong marinig yung mga katagang, “Anak, natanggap mo na ang lahat ng mabubuting bagay sa lupa, kaya ngayon, ubos na.” Hehe.
Aaah! Ang sakit ng ulo ko kakaisip kung paano ko babalansehin ang buhay sa condominium samantalang di naman ako dun nakatira. Bakit nga ba ako mag-aabalang magbayad ng milyon kay Ayala o Forbes para sa bonggang bahay kung may nakalaan naman sa akin na mansion sa palibot ng kalsadang ginto at Kristal na ilog. Sa lugar kung saan walang sakit, walang galit, walang inggit, walang luha, walang pananamantala, walang kurapsyon, walang pribatisasyon, walang iligal na negosasyon, walang kapitalismo, walang imperyalismo, kasi walang eleksyon!
Natulog na ako, dahil bukas, haharapin ko nanaman ang realidad ng buhay, subalit ngayon, kasama ko ng gigising ang bagong pananaw, kung saan mas marami na ang pagkilos kaysa hindi pagiging kuntento.